1,659 kasapi ang lumahok sa kauna-unahang SIMULTANEOUS ELECTRONIC ELECTION
Ang petsang Marso 6, 2010, araw ng Sabado ay maitatalang makasaysayang araw sa larangan ng kooperatiba dahil sa araw na ito ay inilunsad ang electronic election na magkakasabay na isinagawa sa bawat sangay ng SMTCDC. Ang St. Martin of Tours Credit and Development Cooperative ay ang unang kooperatibang nagsagawa ng makabagong pamamaraan ng pagboto sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya. Gayundin naman sabay-sabay na bumoto ang bawat kasapi sa sangay na kanilang kinabibilangan.
Naging matagumpay ang kauna-unahang Electronic Election na nilahukan ng 1,659 na kasapi. Bilang bahagi ng paghahanda, noong ika-27 ng Pebrero 2010 ay nagkaroon ng mock election sa bawat sangay ng Kooperatiba upang mapaghandaan ang iba’t–ibang pamamaraan ng pagboto. Nauna na nating natunghayan ang electronic election noong nakaraang General Assembly. Layunin ng pagsasagawa ng Electronic Election namapabilis ang resulta ng halalan, magamit ng bawat kasapi ang kanilang karapatan sa paghalal ng opisyales ng kooperatiba at higit sa lahat ay maging maginhawa naman sa mga botante ang paggamit ng makabagong teknolohiya. Sa pamamagitan nito, hindi na kinakailangan pang pumunta ng mga malalayong kasapi sa bayan ng Bocaue upang bumoto dahil sa mismong kinabibilangan nilang sangay ay maaari na silang bumoto. Bukod sa paghalal ng kandidato ay nagkaroon din ng pagkakataon ang mga kamay-ari na manalo ng raffle. Naging matagumpay ang naturang halalan at inaasahan na patuloy na susuportahan ng mga kasapi ang mga bagong halal na opisyal.